<body><script type="text/javascript"> function setAttributeOnload(object, attribute, val) { if(window.addEventListener) { window.addEventListener('load', function(){ object[attribute] = val; }, false); } else { window.attachEvent('onload', function(){ object[attribute] = val; }); } } </script> <div id="navbar-iframe-container"></div> <script type="text/javascript" src="https://apis.google.com/js/platform.js"></script> <script type="text/javascript"> gapi.load("gapi.iframes:gapi.iframes.style.bubble", function() { if (gapi.iframes && gapi.iframes.getContext) { gapi.iframes.getContext().openChild({ url: 'https://www.blogger.com/navbar/7262652?origin\x3dhttp://bodyelectric.blogspot.com', where: document.getElementById("navbar-iframe-container"), id: "navbar-iframe" }); } }); </script>

Ako at ang aking zeta potential

I treat this as a meme and a chance to write in Filipino. A writing prompt from Bopis:

"Anumang landas ay landas lamang. Subukan makailang beses kung kailangan. Ngunit itanong sa sarili mo at sa sarili mo lamang ang isang tanong: 'May puso ba ang landas?' Kung meron, mabuti ang landas."

May puso ang landas, hudas. Ilang beses na itong napatunayan mula nang matuto akong lumayas. Hindi ko man makita ang pagyakap ng lansangan sa aking paglalakbay, nararamdaman ko ang kabutihang nahihimlay sa alikabok at putik na humahabol sa aking paanan.

Nariyan ang samut-saring kapwa lagalag na handang mag-abot ng piso-piso para makaipon ako ng pamasahe, yaong wala naman sa hitsura ko ang nanlilimos. Pulubi sa pag-aaruga, oo. Wala akong barya noong mga panahong iyon. Ano nga ba ang pakialam ng konduktor kung buong limandaan ang iaabot ko kung wala naman syang panukli? Mabuti pa ang taong grasang nakita kong nagpapabuo ng pinaglimusan sa Bangko Sentral.

O kaya ang nakainuman namin sa barko papuntang Leyte. Noong isang gabi ay pinagmamasdan namin syang may kaakap na lalaki sa kanyang bunk bed. Economy class lang kami. Nang paggising nya ay sinampal nya ang lalaki at pinaalis. Yun pala ay nakilala lamang nya habang nagdidisco sa Super Ferry ngunit di naman nya alam ang pangalan. Ano nga ba ang silbi ng pagkuha ng pangalan gayong malabo ang tsansang magkita pa rin kayo? At paano kung magkita nga kayo, sinigaw mo ang pangalan nya ngunit di naman sya lilingon. Yun pala'y iba ang pinakilala nya sa iyo?

Pangalan. Guilty rin ako dyan. Napakarami ng pinakawalan kong pangalan, higit pa sa abesedaryo ni Anda. Isama mo pa ang mga nahulog sa poso negro, sa tisyu at sa bimpo. Sa sandaling may kaniig nag-iiba ng anyo. Gayundin dapat ay iba ang pangalan. Bakit ko tatawaging Angel ang sarili kung nagpapakademonyo naman ako hindi ba? Tawagin mo na lang ako sa pangalang Tali. Short for talipandas. Haliparot ka kasi. Ano na nga ang binansag mo sa akin dati?

Bakit kailangang magpakabuti? Dahil lahat ay malungkot. Lahat ay gutom. Sa landas, tatlo ang kailangan: kasama, kausap at pagkain. Ang makapangyarihang Tatlo ng lansangan. Kapag mag-isa akong naglalakbay nagha-hum ako, at ito'y unti-unting nagiging kanta. Sumsususumsum boom. Di ko namamalayan, "A Whiter Shade of Pale" na pala ang nabubuo ko. Sumasakit ang tiyan ko pag napapadaan ako sa Andok's. Idaan ko na lang sa kanta. Pakialam mo ba kung ano ang gusto kong kantahin? Layas hudas hindi hindot.

Malamig sa kwarto ko sa isang di-kilalang hostel sa Causeway Bay. Pagbukas ng bintana, pare-parehong bundok ng konkreto ang nakikita ko. Gusto kong magpakatiwakal, pero may chicken wire sa pagbabagsakan ko. Di magandang paraan ng kamatayan. Mabagal ang proseso. May lagnat ang kaluluwa. May puso ang landas. May zeta potential pa nga. Nariyan ka at aali-aligid sa akin hanggang sa Orchard Road ng alas-dos ng madaling araw, sa Pulag noong Valentine's Day at sa The Bund habang umeebak ako. Hindi mo rin ako tinantanan ng harutan sa Puerto Galera noong Enero.

Nasaan na ba ang bangka papuntang Tsina?

***

Syempre may disclaimer (kay Tekstong Bopis pa rin): "Walang sense ang writing prompt. Wala itong kinalaman sa mga tao sa totoong buhay. Anumang hawig o pagkakatulad ay hindi sinasadya. Bakit, kontrol mo ba ang iyong unconscious? Kaya nga unconscious e: unconscionable? Bakit, may kaibahan ba ang hawig at pagkakatulad? Wala itong silbi maliban sa mailabas ang utot ng utak para masimulan ang isang matiwasay na pagbabawas hanggang maabot ang success! na pangako ng mga diyos ng advertising."

“Ako at ang aking zeta potential”