<body><script type="text/javascript"> function setAttributeOnload(object, attribute, val) { if(window.addEventListener) { window.addEventListener('load', function(){ object[attribute] = val; }, false); } else { window.attachEvent('onload', function(){ object[attribute] = val; }); } } </script> <div id="navbar-iframe-container"></div> <script type="text/javascript" src="https://apis.google.com/js/platform.js"></script> <script type="text/javascript"> gapi.load("gapi.iframes:gapi.iframes.style.bubble", function() { if (gapi.iframes && gapi.iframes.getContext) { gapi.iframes.getContext().openChild({ url: 'https://www.blogger.com/navbar.g?targetBlogID\x3d7262652\x26blogName\x3d2,046+Sutras\x26publishMode\x3dPUBLISH_MODE_BLOGSPOT\x26navbarType\x3dSILVER\x26layoutType\x3dCLASSIC\x26searchRoot\x3dhttps://bodyelectric.blogspot.com/search\x26blogLocale\x3den_US\x26v\x3d2\x26homepageUrl\x3dhttp://bodyelectric.blogspot.com/\x26vt\x3d-6917861756947868694', where: document.getElementById("navbar-iframe-container"), id: "navbar-iframe", messageHandlersFilter: gapi.iframes.CROSS_ORIGIN_IFRAMES_FILTER, messageHandlers: { 'blogger-ping': function() {} } }); } }); </script>

Everyday is a bad hair day

NB: This piece has been posted 22 March 2003 in one of my old blogs, and happened to make it to Peyups.com. What started me with this nostalgia thing are Mud, who had an entry rehashed, and McVie who is on a coiffure contemplating mode. It was the time of Boy 2 Quizon, The Hunks and Ricky Reyes' new promise. Read on.

"Ano ba naman yang buhok mo?" "Gusto nyang magpa-rebond." "Shocks, the hair." "Bagay na pangalan mo, Cools." " So what's with July?"

At kapag uminit ang ulo mo sa asar, sasabihin nilang "Kulot kasi kaya topakin."

Buong buhay ko mula nang matuto akong mag-ayos ng sarili, iisang bahagi lang ng katawan ko ang hindi ko mapaamo--ang buhok ko. Everyday is a bad hair day.

Hindi ko alam, pero singdiretso ng walis tambo ang buhok ko mula nang ipanganak ako hanggang mga unang buwan ng first year high school. Mama ko ang gumugupit ng buhok ko buong elementary, at ayon sa uso palagi. Sa hormones malamang? Grade 4 pa lang ako, nananaginip na ako ng basa, at nangangati na ang singit-singit ng katawan ko dahil hitik na at patubo na ang mga senyales ng pagkabinata. Baka hindi.

O sa shampoo? Naaalala ko pa, kung hindi Safeguard na sabon ang ginagamit ko sa ulo ko, Palmolive (yung kulay green na nasa transparent na bote at iisang "variant" lang noon) ng mga tita ko ang pinang-sha-shampoo ko. Kapag nagbabakasyon sa probinsya aktibo naman ang mga kuto sa anit ko, handa akong ilipad pabalik sa Maynila.

Naglalagay pa ako ng gel (New Wave ang tatak) at spraynet (Aqua Net) at pinagtitripan ng mga kaklaseng babaeng i-tease ang bangs ko katulad ng mga bangs nilang abot hanggang kisame at mapagkakamalan mong tuka ng loro kapag naka-side view. Syempre may kapalit na halik kapag pinagbigyan ko sila.

"Nagpakulot ka ba?" tanong sa akin ni Ruth. Di ko sya makakalimutan dahil sya ang unang nakapansin noong high school. Mga Agosto na yun, nakapagsimula na ng klase at nagpakiramdaman na kami kung sino ang OK na kabarkada. Makopyahan ng assignments, makipagtawagan, makigawa ng mga projects sa illustration board sa ibang bahay at malaman kung ano ang minemeryenda nila, ano ang alagang hayop. Kung palengkera ang nanay nila o kung "normal" ba ang pamilya nila o tulad ba ng pamilya ko.

Balik tayo sa pagiging kulot ko. Hindi naman kinky ang buhok ko tulad ng steel wool. Pero hindi naman ka-swabe ang pagkaalon. Nasa gitna kumbaga. Ang swabe pwede mo pang idiretso pero hindi mahahalatang nagpa-"istreyt." Samantalang ang steel wool, salamat kay Ricky Reyes at nabigyan ng pag-asa ang mga kalahi ni Wilma Doesnt (in fairness nagagandahan ako sa kanya kahit ano pa ang buhok nya).

Kahit ano pa man, sana naimbento na ni Mama Ricky ang perma-straight noong pumoporma na ako. Siguro tumaas ang hitrate ko at nabawasan ang mga nambasted sa akin. Teka, di pala ako nanliligaw kaya technically, di pa ako nababasted.

Pero aminado ako, ito ang pinanggagalingan ng insecurity ko, frustration at pagkainggit sa mga diretso.

Sino ba naman ang may gustong paggising sa umaga, bukod sa panis na laway sa hininga ay isang kulay itim na cotton candy ang nakapatong sa ulo mo at tatambad sa salamin, syang poproblemahin mo kapag nag-overnight kayo? Paano na kung may naka-one night stand ako, kung nasarapan sya ay sasabunutan niya ako at hindi na mababalik sa porma ang buhok ko, baka layasan nya ako dahil mapagkamalan nyang ako si Michael Jackson (bago pa sya naging tisoy)?

Nakakuha ako ng madaling solusyon nang simulan nang tanggapin ng lipunan ang mga skinheads. Dati, kung hindi preso ay mga satanista o mga punkista lang ang bokal. Sarap ng pakiramdam, kilala ka pa sa college nyo kasi bibihira pa lang ang naglakas-loob na gumawa nito. Out na si Jose Rizal ng high school grad pic ko. Si Mr. Clean na ako kaya lang ang daming tumutol nang magtangka akong maghikaw at magbitbit ng batya. Hay, pag wholesome talaga ang image, gusto ng mga tao, wholesome na habambuhay. E paano kung maisipan kong maging pornstar? He he.

Pero di pa rin ako nakuntento. May mga panahong nagpahaba ako ng buhok, pero kulang na lang ay magpahid ako ng uling at magpunit ng damit para maging taong grasa. Hindi ko alam kung ang pagtitig sa akin ng mga taong kasalubong ko ay sa maamo kong mukha o ang wig ni Valentina.

Kung hindi pa ako nagka-girlfriend na nagsabing OK lang na magpa-parlor ang lalaki, hindi ko sana naranasan ang magpa-relax o magpa-straight. Naman, nakapasok na ako sa loob ng parlor para daanan ang Mama ko pero noon, kapag lalaki ka at nagpa-serbisyo sa parlor, nababawasan ang pagkalalake mo. Salamat sa mga pelikula ni Roderick Paulate, na kahit naka-disguise sa genre ng pampamilyang pelikula bilang superhero (Engkantadang Kangkarot, Kumander Gringa) ay talaga namang nakakahiya kung pagdudahan ang pagkalalake mo at sabihing pareho kayo ni Roda. Lalo pa akong naguluhan nang naging sila ni Jackie Aquino.

Bagay naman pala sa akin ang diretsong buhok, sabi ng girlfriend ko. Sarap pang padaanan ng mga daliri. Ganda ng bagsak. Inikut-ikot ko pa ang ulo ko na parang tutang bagong paligo. Natupad na yata ng girlfriend ko ang misyon nya sa buhay. Huwag daw munang i-shampoo ng tatlong araw sabi ng parlorista. Bawal mag-gel o mag-sumbrero o mag-bonnet.

Disaster nang pwede na akong mag-shampoo. Unti-unting bumalik si Valentina, with a vengeance. Siguro bumigay, umunat at nanguluntoy lang dahil sa init ng blower at sa lakas ng hila ng parlorista. Ang mahal-mahal pa naman noon, halos maubos ang sweldo ko, bukod sa pang-parlor ay may mga pang-maintain na shampoo at conditioner, kasama na ang ipinang-date namin. OK, ihanda na ang sarili sa panibagong round ng pang-iinsulto at panlalait.

Oops, buti na lang pinaalis ako ng boss ko mula sa Pilipinas bago ko ginawa ito, at least OK lang sa mga katrabaho kong singkit na mukha akong anime. Ilang linggo pagbalik ko sa Pilipinas, nabuhay na talaga uli ang mga alaga ko. Pero umasa pa rin akong sa kahuli-hulihang pagkakataon ay hindi muna sila magising sa pansamantalang pagkakahimlay. Nag-sales talk sa akin yung taga-shampoo ng buhok ko, at subukan ko raw magpa-hair spa dahil natigang ang buhok ko gawa ng taglamig, bukod pa sa mga kemikal na pinaglalagay noong nagpaunat ako. Syanga pala, iba ang timplada ng shampoo sa pinuntahan ko, kaya naghihintay lamang na bumalik sa maalinsangang hangin ang pakiwari ko'y mga kumikislot-kislot na nilalang sa ulo ko.

Bumigay ata yung isang parlorista nang makita ang finished product, akala nya si Piolo Pascual ang dumaan sa harap nya. Magkapareho lang kami ng suot na polo, lola. Yung sinuot nya sa isang magazine. Kulang lang ako ng nunal sa sentido. He he.

Sayang, sana nagpalitrato ako noon. Panandalian lang ang pagka-Piolo Pascual ko. Kinabukasan si Jericho Rosales na ako in terms of the hair. Ano ba yan, nagiging kamukha ko na ang The Hunks! Please lang wag na tayong umabot pa kay Carlos Agassi.

Nagbago ang pananaw ko sa buhok ko nang i-announce sa aming kumpanya nito lamang na "business outlook still remains uncertain" na ang ibig sabihin ay wala kaming umento sa sahod. Kailangan ko ng isang cost-effective na solusyon sa korona ko, paiksian ko, sa tulong ng eksperto kong hairdresser (oh ha, nalagpasan ko na ang parlor-o-phobia ko) pero hindi yung parang may idinikit na carpet grass sa ulo.

At heto ako ngayon. Bumigay na naman yung parlorista. Muntik mahulog ang hawak nyang blower. Anlagkit ng titig. Humirit naman yung isa ng "ang cute mo, bagay sa iyo...kung ililibre mo ako sa Jollibee." Patay, sa pagnanais kong maging hearthrob, naging gay magnet pa ako ngayon.

Walang nakakilala sa akin nang pumasok ako sa opisina, may nagulat, napasigaw, nagpalakpakan, tumalun-talon, pero madali silang natauhan sa gitna ng mga ooh at aah. May mga nanghinayang, may mga pumuri. Hahanap-hanapin na raw nila si Julio Jose. At sa lahat ng tinanungan ko ay nagustuhan ko ang sagot ng isang bading na manager kung bagay sa akin ang bago kong buhok, tinabas ang mga anak ni Valentina: "mas malinis kang tingnan ngayon, mas gumwapo ka. Ganyan na lang ha?" Ibig sabihin, mahaba man o maiksi, kulot man o diretso, gwapo pa rin ang tingin nya sa akin, nag-iiba lang ng degree.

Ngayon, pakiramdam kong isa na nga akong full-fledged gay magnet. Positive ba yun o negative?

Paninindigan ko na ang maigsing buhok, at habang wala pang ligtas na paraan ng pag-unat, hintay muna ako, mga kapatid. Pro-kulot pa rin. Salamat sa Diyos at dumarami ang lahi namin sa showbiz at sa mga commercials. Sabi nila nakaka-cancer daw ang rebonding, bukod sa libong piso pa ang inaabot. At syempre, panibagong panlalait na naman dahil kulang na lang ay may tangkay ang ulo mo at pwede ka nang ipangwalis.

Hay, mga tao talaga. Hindi nawawalan ng mapapansin.

“Everyday is a bad hair day”